Ilang lugar sa Metro Manila, lumubog sa baha

Inabot ng hanggang baywang ang lalim ng tubig-baha sa may Project 4, Quezon
STAR/ File

MANILA, Philippines — Dahil sa walang humpay na pag-ulan dulot ng low pressure area at southwest monsoon, ilang lugar sa Metro Manila ang lumubog sa tubig baha nitong Sabado.

Sa Valenzuela City, nasa 20 inches ang lalim ng baha sa kahabaan ng MacArthur highway at iba pang barangay sa lungsod dakong alas-1:15 ng hapon habang nasa 8 inches ang lalim ng baha sa Malabon City.

Sa bahagi ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) malapit sa Gate 3 ng Camp Aguinaldo, hindi ito madaaan bandang alas-12:54 ng hapon matapos na umabot sa hanggang baywang ang baha sa lugar. Ang baha ay umabot hanggang sa konkretong barandilya ng EDSA bus carousel.

Dulot nito, nakabuhol-buhol ang trapiko sa mga apektadong lugar.

Base sa report ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Office of Civil Defense (OCD) NCR, hindi rin madaanan ng maliliit na behikulo ang northbound lane ng Gregorio Araneta Avenue at Kaliraya Road dahil sa baha na abot sa hanggang sa gitna ng gulong ng mga sasakyan.

Naapktuhan din ng baha kahapon ang kahabaan ng EDSA-Balintawak, southbound lane ng EDSA-North Avenue, pero nadaraanan ng sasakyan at sa northbound lane ng Ortigas flyover na umabot rin sa 6 inches ang pagbaha. Nasa 4 inches din ang lalim ng baha sa E. Rodriguez Avenue habang sa northbound lane ng EDSA malapit sa Centris Mall ay nas 10 inches ang lalim ng tubig-baha at 12-inches sa kahabaan ng España-dela Fuente.

Nasa 13 inches ang pagbaha sa kahabaan ng East Avenue malapit sa National Kidney Institute sa Quezon City dakong ala-1:30 ng hapon.

May 20 barangay sa Quezon City ang nakaranas ng mga pagbaha mula hanggang tuhod habang sa iba namang lugar dito ay hanggang baywang.

Napilitan na lang maglakad sa baha ang mga na-stranded na mga pasahero samantalang nasa 36 pamilya mula sa Brgys. Pinagkaisahan, Damayang Lagi at Roxas sa nasabing lungsod ang inilikas sa mga evacuation centers sanhi ng mga pagbaha.

Show comments