Ilang LGUs, nagsuspinde ng klase…
MANILA, Philippines — Binalot ng smog ang Metro Manila kung kaya’t kinansela kahapon ng local government units (LGUs) ang pasok ng mga paaralan sa pampubliko at pribado at maging pasok sa kanilang tanggapan.
Nabatid na umpisa pa ng Huwebes ng hapon nang balutin ng makapal na ‘smog’ ang Metro Manila.
Kahapon, pasado alas-11:00 ng umaga sa Maynila nang mag-anunsyo ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng kanselasyon ng “in person” o “face-to-face classes” sa panghapon sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
“Work in the city government of Manila, including its satellite offices, is likewise suspended starting 1:00PM,” ayon pa sa MDRRMO.
Maaga namang nagkansela ng klase sa mga paaralan si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na nag-anunsyo, ala-1:00 pa lamang ng madaling araw.
Kinansela rin niya ang pasok sa hapon ng kanilang mga empleyado sa lokal na pamahalaan maliban sa mga emergency responders.
Kinansela rin nina Parañaque City Mayor Eric Olivarez, Makati City Mayor Abby Binay, Taguig City Mayor Lani Cayetano ang klase sa mga paaralan sa panghapon, habang sa Las Piñas ay kasamang kinansela ang pasok sa lokal na pamahalaan.
Maaga namang nagdeklara ng walang pasok sa mga paaralan si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, na inanunsyo niya ng hatinggabi pa lamang.