MANILA, Philippines — Muling magsuot ng face masks kung lalabas ng bahay para makaiwas sa mga posibleng panganib sa kalusugan dulot ng makapal na “vog (volcanic gas”) na ibinubuga ng bulkang Taal.
Ito ang naging payo kahapon ng Department of Health (DOH) sa publiko dahil ang volcanic smog o vog ay binubuo ng mga maliliit na patak ng abo na naglalaman ng volcanic gas tulad ng sulfur dioxide na acidic at maaaring magdulot ng pagkairita ng mata, lalamunan at mga daanan ng hininga, depende sa konsenstrasyon ng gas at tagal ng pagkaka-expose.
Nakararanas ang Metro Manila at mga lalawigan na malapit sa Taal ng “poor air quality index”.
Anya, kung wala namang importanteng gagawin sa labas ay manatili na lamang sa loob ng mga bahay para malimitahan ang pagkakalantad sa smog. Huwag ding kalimutan na palagiang isara ang pinto at bintana para hindi ito makapasok.
Para sa mga may nararamdaman sa paghinga, dapat na uminom ng maraming tubig para maiwasan ang iritasyon at pagtutuyo ng lalamunan.