3 araw tigil-pasada ikakasa
Sa patuloy na taas-presyo ng petrolyo…
MANILA, Philippines — Kung magtutuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa ay nagbabala kahapon ang mga lider ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na magpapatupad sila ng tatlong araw na tigil-pasada.
Ayon kay Cirilo Latoreno, pinuno ng PISTON-Baclaran, mapipilitan silang magpatupad muli ng tigil-pasada kung hindi aaksiyon ang pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Aniya, P500 kada araw ang nawawala sa kita ng mga jeepney drivers o katumbas ng P12,500 kada buwan dahil sa mataas na presyo ng langis.
Maiuuwi na sana aniya nila sa kanilang pamilya ang naturang halaga upang ipambili ng pang-araw-araw na pangangailangan nila ngunit napupunta ito sa krudo.
Kinumpirma naman ni Mody Floranda, national president ng PISTON, na hindi malayong mauwi sa tigil-pasada ang walang humpay na pagtaas ng mga produkto ng petrolyo.
Gayunman, wala pa aniyang petsa kung kailan nila ito isasagawa dahil pinag-aaralan pa nila ito sa ngayon.
Una nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na posibleng magtagal pa ng hanggang Disyembre ang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
- Latest