Prangkisa ng palpak na electric coops kanselahin -- solons

MANILA, Philippines — Isang resolusyon ang inihain nitong Lunes ng apat na mambabatas kabilang ang dalawang ACT-CIS Partylist solon na agad magsagawa ng imbestigasyon para rebyuhin at posibleng ikansela ang mga prangkisa ng mga palpak na electric cooperative sa bansa.

Sa House Resolution 1302, na nilagdaan nila ACT-CIS partylist Reps. Erwin Tulfo, Joce­lyn Tulfo, at Edvic Yap; Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd district Rep. Ralph Tulfo ay nais nilang papasukin ang mga bagong kooperatiba ng kuryente kapalit ng mga tatanggalan ng prangkisa.

Sinabi ni Cong. Erwin na naghain sila ng reso­lusyon matapos makatanggap ang kanilang mga tanggapan ng mga reklamo ukol sa pangit na serbisyo ng mga electric cooperatives sa kanilang mga lugar.

“Sa kabila ng mga re­k­lamo ng brownout o kawalan ng kuryente ay patuloy pa rin ang pagbibigay ng pangit na serbisyo ng mga electric cooperative na ito sa kanilang mga naseser­bisyuhan at nagtitiis na ang taumbayan,” saad ni Tulfo.

“Panahon na upang sili­pin natin ang pangit na ser­bisyo ng ilang mga power companies na ito sa pamamagitan ng pag-rebyu ng mga prangkisa nila, pagkansela kung kinakailangan at pagpasok ng mga bagong power players sa lugar,” giit pa ni Tulfo.

“Maraming mga electric cooperatives ngayon na gusto at handang magbigay ng kuryente sa lugar na panay ang brownout pero hindi nabibigyan ng pagkakataon dahil sa mga existing franchise ng mga walang kakwenta-kwentang nabanggit na power companies,” dagdag pa ni Tulfo.

Show comments