MANILA, Philippines — Nasa P400 milyong halaga ng mga hinihinalang smuggled rice at iba pang imported products ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa operasyong isinagawa nila sa tatlong bodega sa Tondo, Manila noong Setyembre 16, 2023. Ayon kay Customs Commissioner Bien Rubio, sa tinatayang kabuuang halaga ng mga kalakal na natagpuan sa mga bodega, P90.2 milyon ay 36,086 sako ng imported na bigas mula sa Vietnam, Thailand, at Myanmar.
Idinagdag naman ni Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy na ang operative team, na binubuo ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) at Philippine Coast Guard (PCG), ang nagpatupad ng Letters of Authority (LOAs) na nilagdaan ng Commissioner laban sa tatlong bodega na matatagpuan sa Antonio Rivera St. at Dagupan St. sa Tondo, Maynila.
Nabatid na sa P400.2 milyong halaga ng mga goods na nadiskubre, P310 milyon ang imported miscellaneous goods, gaya ng children’s toys, cosmetics, kitchenware, household wares, videoke machine, fabrics, cosmetics, pharmaceutical products, shoes, apparel, at general merchandise. Binigyang-diin naman ni CIIS Director Verne Enciso ang kahalagahan ng pagbeberipika ng derogatory information at pagkuha ng mga tamang tao na makapaghahatid ng magandang resulta.
Hindi lamang naman ang mga ahente ng CIIS-MICP at PCG ang pinuri ang dedikasyon, dahil napaka-kritikal din umano ng tungkulin na ginagampanan ng mga impormante ng kawanihan upang maisakatuparan ang mga operasyong ito.