MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Bulkang Taal sa Batangas ng pagluwa ng malalaking usok na may taas na 3,000 metro o 3-kilometro sa may hilaga-hilagang kanluran at hilaga-hilagang silangan ng bunganga ng bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Ayon sa Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) kahapon, nagtala rin sila ng 2 volcanic earthquakes sa Taal kabilang na ang isang volcanic tremor na tumagal ng dalawang minuto.
Nagluwa ng asupre ang Taal na may 3,264 tonelada at upwelling ng mainit na volcanic fluids sa may main crater lake at VOG. Mayroon ding naiulat na long-term deflation ng Taal Caldera at short-term inflation ng northern flanks ng Taal Volcano Island.
Dulot nito, pinagbabawal ng Phivolcs ang sinumang indibiduwal na pumasok sa Taal Volcano Island (Permanent Danger Zone or PDZ) lalo na sa may main crater at Daang Kastila fissures, maging ang paglalayag ng mga bangka at pamamalagi sa may Taal Lake
Bawal din ang paglipad ng anumang uri ng aircraft malapit sa bulkan dahil sa banta ng steam-driven, phreatic o gas-driven explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall, lethal accumulations o expulsions ng volcanic gas.
Sa kabila nito, nananatili sa alert level 1 ang alert status ng Bulkang Taal.