MANILA, Philippines — Mag-i-stabilize na ang presyo ng bigas at palay sa pagsisimula ng anihan sa bansa ngayong Setyembre at Oktubre.
Ito ang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na kung saan ay target ng pamahalaan na magkaroon ng inisyal na hanggang limang milyong metriko toneladang (MMT) ani ng palay sa mga nasabing buwan.
Sa pagtaya ng Philippine Rice Information System (PRiSM) hanggang noong Agosto 14, inaasahang aabot sa 2 MMT ang inisyal na ani ng palay sa katapusan ng buwang ito.
Ang karamihan o bulto ng ani ay inaasahang magmumula sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan, Iloilo, Nueva Ecija, North Cotabato, Leyte, Oriental Mindoro, Camarines Sur, Palawan, Bukidnon, Zamboanga del Sur, at Davao del Norte.
Samantala, nasa hanggang 3 MMT naman ang aanihing palay sa susunod na buwan, na inaasahang manggagaling sa Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, Isabela, Occidental Mindoro, Cagayan, Oriental Mindoro, Palawan, Bulacan, Iloilo, Bukidnon, Agusan del Sur, Ilocos Sur, Leyte, at Camarines Sur.
Sa ulat ni DA Undersecretary for Rice Industry Development Leo Sebastian kay Pang. Ferdinand Marcos Jr., nabatid na sa kalahatan, para sa ikalawang semestre o mula Hulyo hanggang Disyembre, tinataya nilang makapag-aani sila ng mahigit sa 11 MMT na palay.
Umaasa rin aniya sila na maaabot ang 20 MMT para sa 2023 national palay output.
Matatandaang una nang inaprubahan ni Pang. Marcos ang rekomendasyong pansamantalang magpatupad ng price ceiling sa bigas sa bansa, na sinimulan nang ipatupad noong Setyembre 5.