Klase malapit sa bulkan, sinuspinde
MANILA, Philippines —Nasa 36 mag-aaral ang isinugod sa pagamutan matapos na sumama ang kanilang pakiramdam at mahilo nang makalanghap ng volcanic smog o usok mula sa Taal volcano sa Batangas nitong Biyernes.
Dahil dito, agad iniutos ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang pagsuspinde sa klase sa iba’t ibang paaralan malapit sa nasabing bulkan.
Sa ulat ng Batangas PDRRMO, bago magtanghali nitong Biyernes, isinugod sa Rural Health Unit (RHU) ang 36 estudyante mula sa Bayorbor National High School at Bayorbor Senior High School sa Mataas na Kahoy ng lalawigan.
Ang mga biktima ay nakaranas ng paninikip ng dibdib, nahirapang huminga at nahilo dahil sa volcanic smog. Ilan sa kanila ay dumanas din ng pananakit ng sikmura, panghihina at halos matumba matapos makalanghap ng volcanic smog na nagmumula sa Taal.
Ayon naman kay Mataas na Kahoy Vice Mayor Jay Ilagan, matapos na malapatan ng pangunahing lunas ay nagsiuwi na rin sa kanilang mga tahanan ang karamihan sa mga estudyante nitong Biyernes ng hapon hanggang nitong Sabado ng umaga. Aniya, may isa na lamang pasyente ang naiwan at nakaratay sa ospital.
Nabatid na simula noong Miyerkules ay nakatanggap na sila ng ulat na nagbubuga na ng volcanic smog ang bulkang Taal.
Sa kabila nito, sinabi ng Phivolcs na nananatili ang Mt. Taal sa alert level 1 na ibig sabihin ay posible ang potential steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, thin ashfalls, at pagbuga ng poisonous gas mula sa bunganga ng bulkan.