MANILA, Philippines — Pinangunahan kahapon nina QC Mayor Joy Belmonte at DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pamamahagi ng cash aid payout para sa mga micro rice retailers sa Commonwealth Market na apektado ng price cap sa bigas na ipinatutupad sa bansa.
Bago mamahagi ay nag-usap muna sina Mayor Belmonte at Gatchalian hinggil sa ipagkakaloob na ayuda sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP)-Cash Assistance for Micro Rice Retailers ng DSWD.
Ang payout ng cash aid ay bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr na tulungan ang mga micro rice retailers na maapektuhan ng Executive Order No. 39 na nagtatakda ng price cap sa bigas.
Kasabay nito, namahagi rin ng tig-P15,000 cash aid sina Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual at San Juan City Mayor Francis Zamora sa mga micro rice retailers ng San Juan-Agora Market kahapon.
Namahagi rin ng cash aid ang DSWD sa Caloocan City sa mga rice retailers ng Maypajo market.
Nauna rito, sinabi ni Mayor Belmonte na may sarili ring cash aid ang QC-LGU na ipinagkakaloob sa mga rice retailers na nasa ilalim ng kanyang programa na matagal nang pinakikinabangan ng mga negosyante na apektado ng iba’t ibang kalamidad.