MANILA, Philippines — Pinapasoli ng Philippine National Police (PNP) ang natanggap na retirement pay ni Wilfredo Gonzales, ang dating pulis na nanutok ng baril sa isang siklista sa Quezon City, kamakailan.
Sa inilabas na direktiba ni PBGen. Nino David Rabaya, Director ng PNP Retirement and Benefits Administration, sinabi nito na padadalhan nila ng sulat si Gonzales upang ibalik ang nasa P588,000 na nakuha nito bilang separation pay noong 2016 matapos maabot ang mandatory retirement age na 56.
Ayon kay Rabaya, mahaharap sa civil case si Gonzales, sakaling mabigo itong isauli ang naturang halaga.
Lumilitaw na may kasong grave misconduct si Gonzales taong 2006 at 2017 lamang nadesisyunan ng korte.
Taong 2018 naman nang ibasura rin ng korte ang kanyang motion for reconsideration na humantong sa kanyang pagkakatanggal sa trabaho kaya’t itinigil na ng PNP ang pagbibigay ng mga benepisyo kay Gonzales.
Batay sa record, may dalawang kasong kinasasangkutan si Gonzales noong ito ay nasa serbisyo pa at pinatawan na masuspinde ng 120 araw at 90 araw na hindi naman naipatupad.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, inaalam na nila ang status ng mga kasong criminal na isinampa kay Gonzales.
Matatandaang sinibak na rin sa tanggapan ni Associate Justice Ricardo Rosario si Gonzales matapos ang insidente ng road range.
Bukod sa 90-araw na preventive suspension sa lisensya sa pagmamaneho ay una na ring tinanggalan ng karapatang magmay-ari ng baril si Gonzales.