Kaugnay sa gun-toting incident…
MANILA, Philippines — Kinasuhan sa Quezon City People’s Law Enforcement Board (PLEB) ang tatlong tauhan ng Quezon City Police District Traffic Sector 4 kaugnay sa nag-viral na gun-toting incident noong Agosto 8.
Mismong si Atty. Raymond Fortun, na umaktong concerned citizen ang nagsampa ng reklamo laban sa traffic policemen na kinilalang sina PSSG Darwin Peralta; PSSG Joel Aviso; at PEMS Armando Carr, pawang nakatalaga sa QCPD Traffic Sector 4 sa Kamuning.
Kasong oppression, irregularities in the performance of duties and incompetence, sa ilalim ng Rule 21 ng NAPOLCOM Memorandum Circular 2016 – 002 ang reklamo ni Atty Fortun.
Lumilitaw na unang dinala sa QCPD traffic sector 4 ang siklista at dating pulis na si Wilfredo Gonzales, dahil ito ay unang itinuring na traffic incident lamang ng mga first responder ng QCPD Galas Police Station.
Sa kalaunan, walang mga kasong isinampa ang pulisya at ang mga partido sa halip ay muling ipinasa sa Galas Police Station.
Pinuri naman ni Mayor Joy Belmonte ang ginawang hakbang ni Atty. Fortun.