MANILA, Philippines — Inumpisahan na nitong Huwebes ng Taguig City ang papamahagi ng birthday cash gift sa mahigit 270 na senior citizen mula sa 10 barangay ng Embo na nasa pangangalaga nito na nagdiriwang ng kanilang kaarawan ngayong Agosto.
Sa ilalim ng programa, tumatanggap ang mga senior citizen ng lungsod ng cash gift na nagkakahalaga mula P3,000 hanggang P10,000 depende sa kanilang edad: P3,000 para sa mga may edad na 60-69, P4,000 para sa mga may edad na 70-79, P5,000 para sa mga may edad na 80-89, at P10,000 para sa mga may edad na 90-99.
Kapag sila ay umabot na ng edad na 100, bibigyan sila ng P100,000 at patuloy nilang tatanggapin ang parehong halaga taun-taon hanggang sila ay nabubuhay.
Si Mayor Lani Cayetano mismo ang nag-abot ng cash gift sa mga senior citizen na naroroon sa kick off ceremony sa Barangay Pembo.
Ang iba naman ay tumanggap ng kanilang cash gift sa kanilang mga tahanan na dinala mismo ng mga barangay workers ng Taguig.
Para kay Adela Miranda, 86 taong gulang mula sa Barangay Post Proper Southside, ito ang unang pagkakataon niyang tumanggap ng cash gift para sa kanyang kaarawan.
Kahit pa nahirapan ang lungsod sa pagkuha ng database ng mga senior citizen, nagawang matukoy ng Taguig ang unang listahan ng 271 na senior citizen sa tulong ng mga lider ng komunidad sa mga Embo barangay.
“Kahit po manu-mano ang pagkalap ng ating datos, hindi na namin ipinagpabukas ang pagkakaloob ng birthday cash gift sa ating mga senior citizen,” sabi ni Mayor Lani sa kanyang mensahe sa mga senior mula sa mga barangay ng Embo.
Bukod dito, nagbukas din ang Taguig ng isang one-stop shop volunteer center sa Sampaguita Street sa Barangay Pembo kung saan ang mga hindi kasama sa unang listahan ng benepisyaryong senior citizen ay maaaring pumunta para mailista at ma-verify para sa kanilang birthday cash gift.