Sa ex-cop viral road rage incident
MANILA, Philippines — Epektibo ngayong araw ay pormal nang nagbitiw sa puwesto si Quezon City Police District (QCPD) Director PBGEN Nicolas Torre III.
Ayon kay Torre, nakausap na niya si PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. at tinanggap naman nito ang kanyang pagbibitiw.
Ito’y kaugnay sa nangyaring mistulang pagbibigay ng QCPD ng “special treatment” sa dating pulis na si Wilfredo Gonzales na nag-trending sa social media dahil sa pananakit at pagkasa ng baril sa isang siklista sa QC kamakailan.
Napuna ng mga netizen na hinayaan ni Gen. Torre na magpa-presscon si Gonzales.
Depensa nito, kaya niya hinayaan si Gonzales na magpa-presscon ay dahil nasa labas noon ng kanyang opisina ang mga media na nakitang kausap niya si Gonzales na nagpunta rin noon sa kaniyang tanggapan.
Humingi naman ng paumanhin si PBGen.Torre at inamin na hindi niya na-handle nang mas maayos ang sitwasyon at inako ang responsibilidad hinggil sa pangyayari.
Sinabi naman ni Torre na magpapahinga muna siya, pero nangako itong makikipagtulungan pa rin sa isinasagawang imbestigasyon.