MANILA, Philippines — Dahil sa pagpaslang umano sa isa pang inmate ng New Bilibid Prison (NBP) na siyang nagbubulgar umano ng mga katiwalian sa Bilibid ay muling sinampahan ng kasong murder si dating Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag at anim pang iba.
Ang anim na kasama ni Bantag na kinasuhan ay sina dating deputy security supervisor Ricardo Zulueta, General Victor Erick Pascua, at apat na ‘persons deprived of liberty (PDLs)’ na sina Rolando Villaver, Mark Angelo Lampera, Charlie Dacuyan at Wendell Sualog.
Ang pagsasampa ng kaso ay kaugnay sa pagpaslang kay PDL Hegel Lapinig Samson na binalutan ng plastic bag sa ulo noong 2020.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ito ay makaraang lumapit sa kanila ang apat na PDL at magbigay ng kanilang testimonya.
Sinabi nila na nilapitan sila ni Bantag at nagtanong kung sino ang inmate na si “Leon Bilibid” na nagpo-post ng mga anomalya at kritikal sa kaniyang pamunuan sa mga post sa social media.
Sinabi ni Villaver na layon ni Bantag na putulin ang mga kritisismo sa kaniya ukol sa patuloy na pagpapasok ng mga kontrabando kabilang ang alak, sigarilyo, iligal na droga, cellphones, at baril.
Nautusan umano si Villaver na paslangin si Samson, na sinang-ayunan ni Correction Senior Officer General Pascua.
Kasalukuyang nagtatago sa batas sina Bantag at Zulueta makaraang magpalabas ang Las Piñas at Muntinlupa courts ng warrant of arrest kaugnay ng pagpaslang sa broadkaster na si Percy Lapid at isa pang PDL na si Jun Villamor.