MANILA, Philippines — Paigtingin pa ang pagsasagawa ng raid sa mga warehouse ng bigas sa bansa.
Ito ang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Bureau of Customs (BOC) para mapanagot sa batas ang mga hoarders o nagtatago ng bigas at illegal smugglers ng imported na bigas.
Ang kautusan ay ginawa ni Marcos matapos salakayin ang tatlong malalaking bodega sa Bulacan kung saan nadiskubre ang mahigit P505 milyong halaga ng bigas.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Palasyo ng Malacanan ay sinabi ni Customs Commissioner Beinvenido Rubio, nagpadala na siya ng mga tauhan sa mga bodega kung saan posibleng may iniipit na imbak ng bigas.
Sa sandaling ma-validate umano na walang pinagbayaran ang mga laman ng bodega ay kukumpiskahin nila ito.
Siniguro rin ni Rubio na makakasuhan ang mapatutunayang sangkot sa smuggling at hoarding dahil katuwang naman nila dito ang Department of Justice.