Kakasuhan ng QC LGU matapos ‘manutok’ ng siklista
MANILA, Philippines — Tuluyan nang binawi ng Philippine National Police-Civil Security Group (PNP-CSG) ang lisensiya ng baril ng isang retiradong pulis na umanoy nanutok sa isang siklista sa Quezon City, kamakailan.
Ito ang inihayag ni PNP-CSG Director, Police Brig. Gen. Benjamin Silo Jr. matapos na mag-viral ang video ng driver na si Wilfredo Gonzales.
Ayon kay Asilo, maliban sa License To Own and Possess Firearm (LTOPF), kanselado na din ang Firearm Registration at Permit To Carry Firearms Outside Residence ni Gonzales.
Si Gonzales ay isang retired police ng QCPD.
Binigyang-diin ni Silo na pangunahin sa kanilang pamantayan sa pagkakaloob ng mga permit ay ang pagiging responsable sa paggamit ng baril.
Hindi aniya karapatan ang paghawak ng baril kundi isang pribilehiyo kaya’t magpapatuloy aniya sila sa ginagawang pagpapanatili ng integridad ng kanilang licensure system.
Ayon naman kay Gonzales, nagkaayos na sila ng siklista sa QCPD station 11 noong Agosto 8 ilang oras matapos ang insidente.
Itinanggi rin nito na tinutukan niya ang siklista, gayunman handa naman siyang sagutin sakaling ipagharap pa rin siya ng kaso nito.
Gayunman, kakasuhan umano ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang naturang dating pulis.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte pagpapanagutin nya sa batas ang retiradong pulis na si Gonzales sa ginawa nitong panunutok sa siklista
Anya, bagamat hindi na interesado ang siklista maging ang Quezon City Police District (QCPD) na maghain ng reklamo laban kay Gonzales, papanagutin pa rin ng lokal na pamahalaan ang retiradong pulis.
“However, I believe this culture of impunity is not acceptable in QC and I have a duty and responsibility to maintain peace and order in our city and send a strong message that acts such as that committed by Willy Gonzalez shall not be tolerated and that he must be held accountable,” ayon pa kay Belmonte.
Posible umano isampang kaso laban dito ay grave threat, slander by deed, reckless imprudence, physical injuries, paglabag sa RA 10591 o absence of a License to Own and Possess a Firearm at absence of Permit to Carry at paglabag sa bike lane ordinance. —Angie dela Cruz at Mer Layson