MANILA, Philippines — Balik-eskwela na ngayong araw ang nasa mahigit 22.8 milyong estudyante sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Sa pinakahuling datos mula sa Learner Information System (LIS) Quick Count para sa SY 2023-2024, nabatid na hanggang alas-9:00 ng umaga ng Agosto 27, 2023, nasa kabuuang 22,381,555 na bilang ng mga nagparehistro na mga mag-aaral para sa darating na taong panuruan.
Ayon sa DepEd, pinakamaraming estudyante ang nakapagpatala sa Region IV-A na umabot sa 3,446,304.Sinundan naman ito ng Region III (2,527,661); National Capital Region (2,468,170); Region VI (1,703,055); Region VII (1,686,587); Region V (1,430,571); Region XI (1,159,193); Region X (1,052,230); Region I (1,016,659); Region VIII (995,343); Region XII (961,388); Region II (815,530); Region IX (769,064); Region IV-B (692,576); BARMM (680,932); CARAGA (627,269) at Cordillera Administrative Region (347,482).
Samantala, sa mga Philippine Schools Overseas ay nasa 1,541 naman ang naitalang enrollees.
Ang enrollment period sa public schools ay sinimulan noong Agosto 7 at nagtapos na noong Sabado, Agosto 26, 2023.