Gun ban, PNP checkpoints, simula na — Comelec

Naghahanda na ang mga Manila Police District sa pag-implementa ng gunban simula ngayong araw bilang paghahanda sa pag-file ng kandidatura ng mga tatakbo sa Barangay at SK elections.

MANILA, Philippines — Simula na ngayong araw (Agosto 28) ang election period ng Barangay at Sangguniang Kabataan kaya’t iiral na rin ang mga gun ban at checkpoints ng pulisya.

Ito ang naging paalala ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson John Rex Laudiangco at mapapansin ang unti-unti nang paglalagay ng kapulisan ng mga checkpoint.

“By 12 midnight, ito po’y hudyat na nagsimula na ang election period pati na rin po ang gun ban para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections,” wika ni Laudiangco.

Ayon pa kay Laudiangco, tatanggap na ang Comelec ng certificates of candidacy (COCs) simula ngayong Agosto 28 hanggang Set­yembre 2 o hanggang Sabado.

Sa oras na naghain na ng COC ang isang indibidwal ay otomatiko na itinuturing na kandidato kaya’t lahat ng mga pagbabawal tulad ng premature campaigning ay dapat iwasan na kung saan magsisimula ang campaign period ay Oktubre 19 hanggang Oktubre 28 lamang.

Nagpaalala rin ang Comelec sa mga magbi­bitbit naman ng cash na P500,000 o mahigit pa mula Oktubre 25 hanggang sa araw ng halalan sa Okt. 30, ay posibleng makasuhan ng vote buying.

“Kung hindi nila ma­ipaliwanag kung para saan gagamitin iyan pong dala-dala nila na pera…d’yan po ia-assume namin na sila ay engaged sa vote buying,” paliwanag niya.

Show comments