3 Barangay. tanod patay sa pamamaril, suspek todas din

Ang mga biktimang nasawi dahil sa mga tama ng bala sa likod at dibdib ay kini­­­lalang sina Romeo Cortez; Roberto Donor; at Ronnie Gonzales, miyembro ng Barangay Peacekeeping and Safety Officer (BPSO) ng Brgy. San Juan, sa Cainta.
STAR/File

MANILA, Philippines — Namatay noon din ang tatlong ba­rangay tanod na rumesponde sa kaguluhan ma­tapos pagbabarilin ng isang lalaking nambugbog ng kapitbahay na napatay rin nang manlaban umano sa mga pulis sa Cainta, Rizal, kamakalawa ng gabi.

Ang mga biktimang nasawi dahil sa mga tama ng bala sa likod at dibdib ay kini­­­lalang sina Romeo Cortez; Roberto Donor; at Ronnie Gonzales, miyembro ng Barangay Peacekeeping and Safety Officer (BPSO) ng Brgy. San Juan, sa Cainta.

Napatay rin ng mga pulis ang suspek na si James Jazmines, nang ito umano ay manlaban habang inaaresto.

Sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, bago naganap ang krimen, alas-4:30 ng hapon sa tahanan ng suspek na matatagpuan sa Greenland Subdivision, Myrtle St., boundary ng Brgy. Sta. Ana, Taytay, at Brgy. San Juan, Cainta, Rizal ay nakatanggap ng reklamo ang mga barangay tanod hinggil sa ginawang pam­bubugbog ng suspek sa kanyang kapitbahay.

Nagtungo ang mga barangay tanod sa bahay­ ng suspek upang imbitahan ito sa ba­ran­gay kaugnay ng kinakaharap na reklamo su­balit nagbunot ito ng baril at pinagbabaril ang mga BPSO na agaran nilang ikinasawi.

Pagdating ng mga rumespondeng pulis sa crime scene ay kapwa patay na ang mga biktima habang nagtatago naman sa loob ng kanyang bahay ang suspek.

Nakipagnegosasyon ang mga pulis para sumuko ang suspek ngunit inabot na ng anim na oras ay hindi pa rin ito luma­labas ng bahay kaya’t pinasok na ang bahay nito ng assault team ng SWAT.

Gayunman, pagpasok pa lang umano ng mga pulis ay kaagad na rin silang pinapu­tukan ng suspek kaya’t tinaman sa pisngi ang isang miyembro ng SWAT team.

Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang suspek, na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib.

Show comments