MANILA, Philippines — Dalawang Pinoy pa ang nadagdag sa kumpirmadong nasawi sa wildfire sa Maui Island sa Hawaii.
Kinilala ang nasawi na si Rogelio Mabalot, 68 taong gulang at tubong Laoag City at isa pang matandang lalaki na hindi pa pinangalanan.
Kinumpirma ito ng anak sa Philippine Consulate General sa Honolulu at ng anak ni Mabalot na si Richelle sa kanyang Facebook post.
Ang kumpirmasyon ay ginawa matapos na lumabas ang DNA samples na pinagtugma ng Federal Bureau of Investigation (FBI). Huli umanong nakita si Mabalot noong Agosto 8 bandang alas-3:30 ng hapon malapit sa Banyan Tree sa Lahaina.
Samantala, kabilang pa sa mga nasawi na Filipino-Americans sa wildfire ay sina Salvador Coloma, 77; Carlo Tobias, 54; Rodolfo Rocutan, 76; ang mag-inang Conchita at Danilo Sagudang, 55; at Alfredo Galinato, 79.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga otoridad ang iba pang residente ng Lahaina na nawawala pa matapos ang wildfire.
Noong Agosto 8 nag-umpisa ang sunog sa nasabing lugar na tumupok sa may 1,000 gusali at libu-libong residente ang nawalan ng tirahan doon kabilang ang mga Filipino.