Cagayan, iba pang lugar binayo ng bagyong ‘Goring
MANILA, Philippines — Lumakas pa ang bagyong Goring habang kumikilos sa may timog timog-kanluran ng Sea East ng Babuyan Islands.
Sa monitoring ng Pagasa nitong alas-11 ng umaga (Agosto 26) namataan ang sentro ng bagyo sa layong 155 kilometro sa silangan ng Aparri, Cagayan taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 150 kilometro kada oras at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 185 kilometro kada oras.
Dahil dito, nakataas ang Signal No. 3 ng bagyo sa hilagang-silangang bahagi ng Cagayan (Santa Ana) at silangang bahagi ng Isabela (Divilacan, Palanan).
Nakataas naman ang Tropical Wind Signal No. 2 sa silangang bahagi ng Isabela (Dinapigue, San Mariano, Ilagan City, Maconacon, Cabagan, Tumauini, San Pablo), silangang bahagi ng Cagayan (Peñablanca, Baggao, Gattaran, Lal-Lo, Gonzaga, Santa Teresita, Buguey), at hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran).
Signal No. 1 naman sa Batanes, natitirang bahagi ng Cagayan kasama na ang Babuyan Islands, sentrong bahagi ng Aurora (Dinalungan, Dipaculao), Quirino, natitirang bahagi ng Isabela, Apayao, silangang bahagi ng Nueva Vizcaya (Kasibu, Quezon, Diadi, Bagabag, Solano, Villaverde), silangang bahagi ng Ifugao (Lamut, Lagawe, Hingyon, Banaue, Mayoyao, Aguinaldo, Alfonso Lista), silangang bahagi ng Mountain Province (Barlig, Natonin, Paracelis), at Kalinga. Pinapayuhan ng PAGASA ang mga residente sa nabanggit na mga lugar na mag-ingat at laging mapagbantay.
- Latest