MANILA, Philippines — Magsasagawa ng “busaugmentation” ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) mula sa Gil Puyat (Buendia) sa bahagi ng Pasay hanggang EDSA-Taft.
Sa ilalim ng “bus augmentation,” nasa kabuuang limang (5) unit ng bus na kasalukuyang bumibiyahe sa rutang Malanday – Ayala via McArthur Highway, Rizal Avenue, Taft Avenue, at Gil Puyat (Buendia) Avenue ang papayagang pahabain pansamantala ang kanilang ruta para umabot hanggang EDSA-Heritage Hotel-Taft.
Nakipag-ugnayan na ang LTFRB sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na siya namang nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Pasay, hinggil sa “bus augmentation” na ito.
Ang pansamantalang “bus augmentation” ay epektibo ngayong araw na ito hanggang sa maibalik sa normal ang operasyon ng LRT-1.
Matatandaaang nakaranas ng “mechanical problem” ang isang Generation 2 trainset ng LRT-1 kahapon at naapektuhan ang operasyon nito. Kasalukuyang nagsasagawa ang Light Rail Manila Corporation (LRMC) Engineering Team ng “trackworks” at magiging limitado ang operasyon ng LRT-1, kung saan tatakbo ang mga tren nito mula Fernando Poe, Jr. (dating Roosevelt) Station sa Lungsod ng Quezon hanggang Gil Puyat (Buendia) Station sa Lungsod ng Pasay lamang.