Mga bodega na nag-iimbak ng imported rice sa Bulacan, ipinasara
MANILA, Philippines — Ikinandado kahapon ng Bureau of Customs (BOC) ang mga bodega ng bigas sa lalawigan ng Bulacan na umaabot sa P505 milyon na hinihinalang mga puslit.
Isang team na pinamumunuan ni Customs Commissioner Bien Rubio, kasama sina Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Director Verne Enciso, CIIS-Manila International Container Port (CIIS-MICP) agents, at Philippine Coast Guard (PCG) Task Force Aduana, ang nag-inspeksiyon sa mga bodega ng Great Harvest Rice Mill Warehouse, San Pedro Warehouse, at FS Rice Mill Warehouse na matatagpuan sa Intercity Industrial Complex sa San Juan, Balagtas, Bulacan at natuklasang naglalaman ng may 202,000 sako ng imported rice grains mula sa Vietnam, Cambodia, at Thailand.
Nagpasalamat din siya kina House Speaker Martin Romualdez at Reps. Erwin Tulfo, Wilfrido Mark Enverga, at Ambrosio Cruz Jr. dahil sa pagsama sa inspeksiyon. “Smuggling agricultural products, in particular rice as this is a staple food in every Filipino home, poses a grave threat to our economy. It creates a ripple effect that impacts the core of our agricultural sector—our farmers,” dagdag pa ng commissioner.
Tinukoy naman ni Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy ang papel ng BOC sa layunin ng administrasyong Marcos na maresolba ang isyu sa hoarding, na siyang nagtutulak upang tumaas ang presyo ng bigas sa merkado.
Ayon kay Enciso, nakipag-coordinate ang BOC sa Philippine National Police (PNP) sa Balagtas, gayundin sa mga personnel mula sa Brgy. San Juan upang ipatupad ang Letter of Authority (LOA) na nilagdaan ni Commissioner Rubio.
Kung matuklasang walang kaukulang importation at proof of payment documents, isasagawa umano nila ang corresponding seizure at forfeiture proceedings laban sa subject shipments para sa paglabag sa Section 1400 ng Republic Act No. 10863 o mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
- Latest