Turnover sa EMBO schools sa Taguig, pinamamadali

Taguig City is the ninth most populous area in the country.
Philstar.com / File

MANILA, Philippines — Nanawagan ang mga guro at magulang na mag­karoon na ng agaran at maayos na turnover ng mga public at private schools ng Makati City patungo sa Taguig City dahil sa nalalapit na ang pasukan.

Nabatid na nasa 1,500 guro at 30,000 mga estud­yante mula sa 14 EMBO public schools ang ililipat sa Taguig City.

Sa ipinalabas na statement ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC), grupo ng mga guro mula sa mga public at private schools sa Pilipinas, sinabi nito na kinikilala nila ang final ruling ng SC.

“We call for smooth transition to end the Ta­guig-Makati dispute. The welfare of the students should be given paramount importance,” paha­yag ni TDC President Benjo Basas.

Gayundin ang paha­yag ni Fort Bonifacio High School Faculty Club President Noel Meneses, na umaasang mababalik agad sa normal ang school operation.

Dapat din umano na naiimpormahan ang mga guro sa sitwasyon ng turnover lalo at sila ang humaharap sa mga estud­yante at mga magulang at nagbibigay sa mga ito ng impormasyon.

Sa panig ng mga ma­gulang, sinabi ni Parents Teachers Association (PTA) Federation President Willy Rodriguez na payag ang mga magulang na mailipat na ang kanilang mga anak sa pangangasiwa ng Taguig-LGU at mainam na gawin na muna ang proper turnover upang hindi na magkaroon ng kalituhan o anumang tension saka na pag-usa­pan ang iba pang isyu gaya ng mga pamigay ng Makati o Taguig ng mga school kits, uniform at iba pa.

Samantala, una nang sinabi ng mga school principals ng 14 EMBO schools na wala silang inaasahang problema sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29 at sa kabila ng tensyon sa pagitan ng Makati at Taguig ay nanatiling mahinahon ang mga magulang, guro at mga estudyante sa isyu bilang paggalang sa kautusan ng Kataas-taasang hukuman.

Show comments