MANILA, Philippines — Isang direktang kautusan ang ipinalabas ng Department of Education (DepEd) sa lahat ng paaralan na tanggalin na ang lahat ng dekorasyon sa mga dingding ng mga silid-aralan, kabilang na dito ang mga tradisyunal na educational posters at mga visual teaching aids.
Ang kautusan ay inilabas kasunod na rin ng hiling ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC) na linawin ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte ang kanyang no classroom decoration policy.
Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, ang direktiba ng bise presidente ay linisin ang lahat ng dingding ng mga silid-aralan at panatilihing maayos at functional ang mga ito.
Paglilinaw naman ni Poa, maaari pa ring gumamit ang mga guro ng mga visual aids sa pagtuturo at magdala ng mga ito sa kanilang aralin.
Paliwanag niya, hindi lamang isang asignatura ang pinag-aaralan ng mga bata kaya’t nais umano nilang tiyaking malinis at handa para sa susunod na klase ang bawat silid-aralan.
Ang School Year 2023-2024 ay pormal nang magsisimula sa Agosto 29.