MANILA, Philippines — Kung hindi umano kakayanin ang 24/7 na operasyon ay umapela ang isang grupo ng mga commuters sa pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na ikonsidera hanggang hatinggabi ang kanilang operasyon.
Ayon kay United Filipino Consumer and Commuters President Rodolfo Javellana Jr., patuloy na lumalaki ang populasyon ng bansa at lumalala ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa EDSA, kaya’t kailangan ng mga ito ng mas maraming masasakyan.
Mahalaga rin aniyang matiyak ang kaligtasan sa pagbiyahe ng mga mamamayan, lalo na sa hatinggabi, at ang MRT-3, gayundin ang Light Rail Transit (LRT) ang mga secured na serbisyong pang-transportasyon na kailangan nila.
Matatandaang una nang sinabi ng MRT-3 na hindi sila maaaring mag-operate ng 24/7 dahil kailangan nilang paglaanan din ng oras ang gabi-gabing maintenance at rehabilitation sa mga riles at mga tren para sa kaligtasan ng mga mamamayan.
Sa ngayon ang huling biyahe ng MRT-3 ay hanggang alas-10:00 ng gabi lamang habang ang unang biyahe ay alas-4:00 naman ng madaling araw.