Marcos tiwala na matatag na ang presyo ng bigas sa pagsisimula ng anihan

MANILA, Philippines — Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magiging stable ang presyo ng bigas sa oras na magsimula na ang anihan sa mga pangunahing palay-producing areas sa bansa.
Sa isang kalatas mula sa Presidential Communications Office (PCO), sinabi ni Pangulong Marcos, kasalukuyang Agriculture Secretary, na ang simula ng anihan sa Nueva Ecija, Isabela at North Cotabato ay makadaragdag sa suplay ng bigas sa bansa.
“So I think pagka ‘yung supply natin ay dumami at humaba ang ating reserve ay mag-stabilize na ang ating mga presyo. Babantayan namin nang mabuti para tiyakin na ganon ang mangyari,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Ayon sa ulat, ang presyo ng bigas ay tumaas sa P40 hanggang P50 per kilo sa ilang pamilihan.
Tinuran ng Punong Ehekutibo na mahigpit na nakamonitor ang pamahalaan sa suplay at pagtaas ng presyo ng bigas kung saan ang farmgate price at importasyon ay nakapag-ambag sa tumaas na presyo.
Ang pahayag ay ginawa ng pangulo sa pakikipagpulong sa industry players sa pangunguna ng Private Sector Advisory Council and the Philippine Rice Stakeholders Movement (PRISM) sa Palasyo ng Malakanyang.
Sinabi naman ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary Dr. Leo Sebastian na ang inisyal na ani ng palay mula sa Isabela, Nueva Ecija at North Cotabato ay 900,000 metric tons.
“Palay harvest will peak in late September to October, contributing largely to the country’s second semester (July to December) production, estimated at more than 11 million metric tons (MMT),” aniya pa rin.
Layon ng DA aniya na makapag-ani ng hanggang 11.5 million MT sa second semester.
- Latest