4.4K law enforcers ipakakalat sa FIBA — PNP
MANILA, Philippines — Nasa 4,400 law enforcement officers ang ipakakalat sa Metro Manila at Central Luzon kasabay ng FIBA Basketball World Cup 2023.
Ayon kay Police spokesperson PCol. Jean Fajardo, kasama sa naturang bilang ang mga tauhan mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines, Philippine Red Cross, at Philippine Coast Guard.
Ani Fajardo, ang mga ito ay ipakakalat sa mga lugar na mapupuno ng tao kabilang na ang mga playing venue.
Ilan sa mga tinukoy na venue ay ang Philippine Arena, Araneta Coliseum, at SM Mall of Asia Arena.
“Asahan natin na maglalagay tayo ng sufficient personnel para siguraduhin ang kaligtasan at seguridad ng hindi lamang ng ating participants or delegates, pati na rin ng ating audience,” dagdag niya.
Nauna nang sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pasok sa mga pampublikong opisina at paaralan sa lahat ng antas sa Metro Manila at Bulacan para magbigay-daan sa opening rites ngFIBA Basketball World Cup sa Philippine Arena.
Ang opening ceremony ay nakatakda sa Agosto 25, kung saan ang Gilas Pilipinas ay haharap laban sa Dominican Republic.
- Latest