5 sakay ng SUV patay sa trailer truck
MANILA, Philippines — Dead on the spot ang limang katao habang isa ang nasugatan nang ang sinasakyan nilang Sports Utility Vehicle (SUV) ay nayupi na parang lata nang masalpok ng isang trailer truck na may kargang container van sa Maharlika Highway, Brgy. Malipampang, San Ildefonso, Bulacan.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Nelson Magundayao; Arlene Sipcon; Crispin Garcia Jr.; Crisanto Garcia; at Christopher Lachica habang ang nasugatan ay si Jansen Grengia, 34, mga kapwa residente ng Makati City.
Sa ulat ng San Ildefonso police, bago nangyari ang insidente, alas-2:30 ng madaling araw nitong Agosto 15 sa nasabing highway ay mabilis na binabaybay ng trailer truck na minamaneho ni Aurelio Bartequil, 59 ng Malabon City.
Nakita sa CCTV footage ang mabilis na takbo ng trailer truck pakaliwa ng kalsada at aksidenteng nasalpok ang kasalubong na pulang Toyota Innova (NEP5492) na minamaheho ni Nelson.
Sa lakas nang salpukan ay sinuyod pa ng truck ang Innova sa kongkretong poste sa gilid ng kalsada na ikinaipit at ikinawasak nito na agarang ikinamatay ng mga biktima.
Nahirapan ang mga rumespondeng rescue team bago naialis ang bangkay ng limang nasawi sa pagkaipit sa sasakyan.
Kinasuhan na ng pulisya ng reckless imprudence resulting to multiple homicide, serious physical injuries and damage to property ang driver ng truck.
- Latest