MANILA, Philippines — Para mabilis na mabayaran ang utang ng Pilipinas ay dapat na magdagdag pa ng mga anak ang mga Pilipino.
Ito ang naisip na solusyon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, dahil kapag lumaki pa ang populasyon ng bansa, mas marami ang maghahati-hati sa pagbabayad ng utang ng Pilipinas.
“Sabi nila, kawawa tayo dahil hindi pa ipinapanganak ang apo ko meron nang ganitong utang kasi ang per capital ng debt natin ganito na pala kalaki,” pahayag ni Dela Rosa sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senate Finance Committee.
“Maganda siguro kung magkaroon ng maraming anak para lumaki ang population, paglumaki ang populasyon, mas maraming maghahati-hati sa utang mas mababa ang per capita utang natin…the bigger the population mas maraming maghahati-hati sa utang,” dagdag pa niya.
Tinanong pa ni Dela Rosa ang mga economic manager ng pamahalaan na kung okay lang sabihin sa mga Pilipino na hindi dapat mag-panic ang mga Pinoy kahit na umabot na sa P13.70 trilyon ang kasalukuyang utang ng bansa.
Sagot naman ni Finance Secretary Benjamin Diokno, reasonable at manageable naman umano ang kasalukuyang utang ng bansa.
“The way to look at the budget is, sabi ko nga yung deficit pinababa nga natin, magiging 3% but if you notice on the composition of the budget, you mostly investment. We are committed to invest 5 to 6% of GDP for infrastructure, napakamalaking bagay po yan, tuloy pong lalago ang ekonomiya, so makikinabang lalo ang mga mahihirap,” dagdag pa ng kalihim.