Pagbawi sa Oil Deregulation Law inihain sa Kamara
MANILA, Philippines — Upang matugunan ang pagtataas sa presyo ng krudo ay isang panukalang batas ang inihain sa Kamara upang bawiin ang Oil Deregulation Law.
Naghain kahapon si House Deputy Majority Leader Rep.Erwin T. Tulfo at kanyang mga kasamahan mula sa ACT-CIS partylist at iba pang mambabatas, ng isang panukala upang i-repeal ang Republic Act No. 8479 o The Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1997, na mas kilala bilang Oil Deregulation Law.
Sa apat-pahinang House Bill No. 8898 na nilagdaan ni Tulfo, at kanyang mga colleagues mula sa ACT-CIS partylist na sina Reps. Edvic Yap, Jocelyn Tulfo, at Benguet Rep. Eric Yap, ipinakilala nila ang “Act Establishing the Budget ng Bayan Para sa Murang Petrolyo” (BBMP), para i- repeal ang Oil Deregulation Law.
Tinuligsa rin ni Rep. Tulfo sa kanyang privilege speech na ang umiiral na batas ay tinawag na useless o walang pakinabang dahil nalinlang ang taumbayan sa pagpasa ng batas na ito dahil sa paniwala noon na magpapababaan ng presyo ang mga kumpanya ng langis kapag hindi na raw hawak o kontrolado ng gobyerno ang pagpapresyo sa produkto ng petrolyo.
Isa anyang kahibangan ang nasabing batas dahil sa halip na magpababaan ng presyo ngayon, ay nag-uusap-usap ang malalaking kumpanya ng langis kung gaano kalaki at magkano ang itataas nila Linggu-Linggo.
Sinabi ni Tulfo na layunin ng panukala na i-repeal ang Oil Deregulation Law upang maitatag muli ang government price control sa fuel pump prices at matugunan ang negatibong impact ng madalas at biglaang pagpapalit ng presyo ng fuel sa mga consumers.
- Latest