MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nakapiit sa kanilang pasilidad sa Quezon City ang dating sikat na television host na si Jay Sonza.
Ayon kay BJMP Spokesperson Chief Inspector Jayrex Bustinera, Agosto 3 pa nang i-turn over sa kanila ng National Bureau of Investigation (NBI) Manila si Sonza, sa bisa ng commitment order mula sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 100.
Sinabi ni Bustinera na sa regular na selda sa Quezon City Jail – Ligtas COVID Center Quarantine Facility sa Brgy. Payatas nakakulong si Sonza dahil na rin sa 11 bilang ng kasong estafa at large scale illegal recruitment na kinakaharap nito.
Batay sa impormasyong nakalap ng BJMP, patungo sana si Sonza sa Hong Kong nang harangin ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) noong Hulyo 18 matapos mabisto na may mga nakabinbin itong mga kaso.
Mula sa Immigration, inilipat si Sonza sa kustodiya ng NBI at saka itinurn-over sa BJMP.