China may impormante sa ‘resupply missions’ sa Ayungin Shoal
MANILA, Philippines — Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na posible umanong may impormante ang China sa Pilipinas ukol sa tuwing may resupply mission ang Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal kaya agad na nasasabat ng Chinese Coast Guard (CCG) ang kanilang mga bangka.
Ayon kay PCG spokesperson on West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na isang araw bago ang pambobomba ng tubig sa kanilang barko, biglang nag-ipon-ipon ang mga barko ng CCG sa Ayungin Shoal para pigilan ang resupply mission at saka nagbalikan sa kanilang mga puwesto matapos ang insidente.
“What we can see from here - ‘yung resupply mission, talagang pinaghandaan nila ‘yan para i-block. There is already a motive by the Chinese government to really block our resupply mission,” saad ni Tarriela.
“Hindi naman sa nagtitimbre. Baka nagkataon lang na meron silang intel on the ground, baka may informant kaya nalalaman nila ang movement ng ating resupply operations,” dagdag pa niya.
Kinontra rin niya ang pahayag ng CCG na “humanitarian” sila nang payagan nila ang isang bangka na makalagpas sa kanila. Iginiit ni Tarriela na natalo lang ng naturang bangka sa patintero ang mga barko ng China kaya nakalagpas ito at nagpatuloy sa pagsusuplay sa mga sundalo na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.
- Latest