Pagdukot sa batang babae na isinilid sa maleta ng caretaker, nasagip

Sa ulat, dakong tanghali nitong Huwebes ay sapilitang isinilid ng suspek ang biktima sa Maleta sa Brgy. Bakilid.
STAR / File

MANILA, Philippines — Nasagip ng mga otori­dad sa kamay ng kidna­per ang isang 8-anyos na batang babae na isinilid sa maleta sa Mandaue City, Cebu.

Sinabi ni Mandaue City Police chief Police Colonel Jeffrey Caballes, na may­ro­on lang kaunting galos na tinamo ang bata.

“May mga kaunti dahil siguro noong pinasok siya sa bag kaya nagkaroon ng scratches, bruises dito (sa wrist),” ayon kay Caballes.

Kinilala ng Police Regio­nal Office 7 (PRO7) ang suspek na si Godiflor Rama, 32, caretaker sa apart­ment ng pamilya ng biktima.

Sa ulat, dakong tanghali nitong Huwebes ay sapilitang isinilid ng suspek ang biktima sa Maleta sa Brgy. Bakilid.

Nakita sa CCTV came­ra ang suspek habang hinahatak ang maleta sa kalsada kaya inireport ang insidente sa pulisya, alas-5:00 ng hapon.

Bumuo agad ng grupo ang PRO 7 at pagkalipas ng tatlong oras ay matagum­pay na nasagip ang bata sa kamay ng suspek.

Nasa pangangalaga na ng kaniyang mga magulang ang biktima at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso si Rama.

Show comments