MANILA, Philippines — Idineklarang “persona non grata” ng 12th City Council of Manila ang Filipino drag artist na si Amadeus Fernando Pagente, na mas kilala bilang Pura Luka Vega, sa isang resolusyon na pinagkaisang inaprubahan nitong Agosto 8.
Ang deklarasyon ay kasunod ng kanyang pagtatanghal sa sayaw ng remix ng relihiyosong kantang “Ama Namin” sa isang lokal na bar, habang nakasuot ng costume na inspirasyon ng Itim na Nazareno.
Nag-viral sa social media ang isang video ng pagtatanghal, na umani ng galit ng mga debotong Katoliko at lider ng relihiyon na kinondena ang pagkilos bilang ‘kalapastanganan’.
“Ito pong taong ito ay walang habas at di man lang pinag-isipan ang kanyang ginawa… (I)sang kalapastangan po ang kanyang ginawang palabas. Hindi po dapat itong palagpasin kasi pag pinalagpas natin ito, baka maparisan po ito. Kailangan na po nating gumawa ng aksyon,” ani 5th District Councilor Ricardo “Boy” Isip, pangunahing may-akda ng nasabing resolusyon, sa kanyang sponsorship speech.
Ipinaliwanag naman ni 5th District Councilor Jaybee Hizon ang kahalagahan ng Black Nazarene sa Lungsod ng Maynila, dahil binigyang-diin nito na hindi dapat gamitin ang kalayaan sa pagsasalita para saktan ang damdamin ng relihiyon.
Marami pang miyembro ng Konseho ang tumindig upang ipakita ang kanilang suporta para sa nasabing resolusyon.
Sa Maynila idinaraos ang taunang Pista ng Itim na Nazareno, na kilala rin bilang Traslación, kung saan ginugunita ang pagsasalin o ang paglipat ng Itim na Nazareno mula sa orihinal nitong lokasyon patungo sa Quiapo Church noong 9 Enero 1787.