MANILA, Philippines — Pinarangalan ng Civil Service Commission NCR si Quezon City Mayor Joy Belmonte bilang Regional Winner ng Presidential Lingkod Bayan Award sa 2023 Search for Outstanding Government Workers.
Personal na iginawad nina CSC-NCR Acting Director Hans Alcantara at CSC-NCR Dir. Victoria Esber kay Mayor Joy ang parangal sa Quezon City hall.
Ang naturang parangal ay iginagawad sa mga indibidwal o grupo na nakatulong sa pambansang lebel sa kanyang pagsisilbi.
Kasama na ngayon ang alkalde sa listahan ng regional winners na pagpipilian ng Office of the President para sa itatanghal na 2023 Presidential Lingkod Bayan (PLB) Awardee.
Nagpasalamat naman si Mayor Belmonte sa nakamit na pagkilala na inialay nito sa lahat ng kawani ng gobyerno na katuwang sa pagseserbisyo sa lungsod.