MANILA, Philippines — Malaki ang naging tulong ng mga comment sa social media na maibalik sa magulang ang 10-anyos na batang nawawala na natuklasang kinakalakal sa panlilimos na naisalba ng mga tauhan ng Parañaque City Police Station, at naaresto ang kaniyang handler sa Las Piñas City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang naarestong suspek na si James Cadaucan De Mesa, na ginamit ang batang lalaki sa panlilimos para kumita ng pera. Nabatid, alas-3:00 ng hapon ng Agosto 5, 2023 nang isagawa ang rescue operation ng mga tauhan ng Parañaque Police sa Tramo St., Evergreen Brgy. Pulang Lupa Uno, Las Piñas City.
Nabatid na ang biktima ay iniulat na nawawala noong Hulyo 27, 2023 kaya humingi ng tulong ang nanay nito sa Investigation and Detective Management Section ng Parañaque CPS. Pinayuhan siya na i-post ang larawan ng nawawalang anak at detalye sa social media.
Nang may naglagay ng komento mula na residente ng Pulang Lupa Uno, Las Piñas na nakita ang bata at inireport na ito sa barangay officials ng lugar.
Bunga nito, nagsagawa ng serye ng back tracking operation ang Parañaque Police mula sa kung saan nakita ang bata at ligtas na nabawi ito habang ang suspek ay naaresto.
Nagpasalamat naman ang kapulisan sa netizens na naging mahalaga ang papel upang matagpuan ang biktima.