Bebot bumisita sa burol, inutas sa Caloocan

MANILA, Philippines — Patay ang isang 22-anyos na babae makaraang pagbabarilin ng mga armadong riding-in-tandem sa Caloocan City nitong Biyernes ng gabi, ayon sa ulat nitong Sabado.

Sa inisyal na ulat ng Caloocan City Police, kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng biktima na hindi na inabutan sa lugar ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya.

Bandang alas-10 ng gabi, kasalukuyang nakikiramay ang biktima sa pamilya ng isang nakaburol na patay sa may kahabaan ng Bagumbong Road nang biglang dumating ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo at pinagbabaril ang huli.

Sunud-sunod na putok ang umalingawngaw sa lugar kung saan duguang bumulagta ang nasabing babae na bagaman at nagawa pang maisugod sa pagamutan ay idineklara nang dead-on-arrival. Samantala, patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang mga salarin na tumakas patungo sa direksiyon ng Deparo Road.

Show comments