MANILA, Philippines — Narekober na ang nawawalang Cessna 152 plane na bumagsak sa kabundukan na nasa boundary ng Luna at Pudtol sa lalawigan ng Apayao, kamakalawa ng tanghali.
Ayon kay Army Major Rigor Pamittan, Division Public Affairs Office chief, natagpuan ng pinagsanib na pwersa ng 98th at 17th Infantry Battallion ng Philippine Army, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection (BFP), Apayao Provincial Disaster Risk Reduction at municipal search teams kabilang na ang mga local volunteers ang crash site sa bahagi ng Sitio Matad, Brgy. Salvacion sa Luna malapit sa Brgy. San Jose sa bayan ng Pudtol bago mag-alas-12:00 ng tanghali ng Huwebes.
Narakober din ang mga labi ng dalawang sakay ng bumagsak na eroplano na nakilalang sina flight instructor Capt. Edzel John Lumbao Tabuzo, residente ng San Juan City, at student pilot na si Anshum Rajkumar Konde, isang Indian national.
Matatandaan na ang Cessna 152 plane na may tail number RP-C8598 ay umalis sa Laoag International Airport sa lalawigan ng Ilocos Norte dakong alas-12:16 ng tanghali nitong Martes at inaasahan na lalapag sa Tuguegarao airport sa lalawigan ng Cagayan dakong ala-2:00 hanggang 3:00 ng hapon subalit nabigo itong makarating sa nabanggit na paliparan.
Kahapon ay naipasakamay na sa pamilya ni Tabuzo ang kanyang mga labi habang ang kay Konde ay ibibigay sa Indian Embassy.