MANILA, Philippines — Sa halos na 650 katao na inaresto sa ginawang pagsalakay ng mga otoridad sa isang POGO sa Pasay City ay 100 ang kinasuhan ng kriminal ng Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni Justice Undersecretary Nicholas Felix L. Ty na isinagawa ang paghahain ng kaso sa loob na mismo ng Rivendell Global Support, Inc. na nasa SJ Mobile Building sa Pasay City, na sinalakay ng mga otoridad.
Hindi pa naman maibigay ni Ty ang eksaktong kaso na inihain sa 20 Chinese nationals at 80 Pinoy.
Ayon kay Ty, officer-in-charge ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na pinamumunuan ng DOJ, na sinalakay ang Rivendell nitong Agosto 1 ng gabi, kung saan nasa 650 ang inabutan sa establisimiyento.
Sa naturang bilang, 180 lamang ang mga dayuhan na halos puro Chinese nationals, at iba ay mga Pilipino na. Isa sa mga nadakip ay isang Pilipino na una nang nailigtas sa isang scam syndicate sa Myanmar at napa-repatriate, ngunit natagpuan na balik sa pagpasok sa pang-iiscam dito sa bansa.
Isa umanong rehistradong service provider ang Rivendell na lumalabas na front lamang para sa kanilang online scam activities at may iilang kwarto na gambling pa rin ang ginagawa.