MANILA, Philippines — Natagpuan na ang nawawalang Cessna plane na bumagsak kamakalawa ng hapon sa hangganan ng Brgy. Salvacion, Luna at San Mariano Pudtol, Apayao na kung saan patay ang dalawang sakay nito.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Apayao Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Jeoffrey Borromeo.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ang RPC-8598 Cessna 152 aircraft ay nawala nang ito ay nag-take off mula sa Laoag City.
Batay sa paunang impormasyon, dalawang eroplano ang nag-take off sa Laoag City airport, alas-12:16 ng hapon kamakalawa papunta sa Tuguegarao City Airport, ngunit isa lang ang nakarating, ala-1:11 ng hapon ng Martes sa nasabing airport.
Huling namonitor ang eroplano sa 32 nautical miles mula sa bayan ng Alcala, Cagayan.
Naniwala naman ang mga otoridad na posibleng nagkaroon ng emergency landing o bumagsak ang naturang eroplano sa bahagi ng Apayao, Kalinga o sa Abra.
Ang nasabing Cessna plane ay pagmamay-ari ng Echo Air International Aviation Academy Inc.