Ayuda ibigay sa mga bakwit sa Mayon, sa nalalapit na BSKE
MANILA, Philippines — Hiling ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na huwag ipagbawal ang ayuda sa mga bakwit ng Mayon sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre ngayong taon.
Tiniyak naman ng Commission on Elections (COMELEC) na aaprubahan nila ang kahilingan dahil sa patuloy pa ang pag-aalburuto ng bulkang Mayon sa nalalapit na halalan.
Sa isang liham noong Hulyo 22, hiniling ni Salceda sa Comelec na ilibre sa pagbabawal ang pagbigay ayuda sa mga bakwit ng Mayon ng mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang huwag namang matigil ang pagbibigay tulong sa mga bakwit.
Tiniyak naman ni COMELEC Chairman George Garcia kay Salceda na aaprubahan nila ang hiling niya sa pulong kamakailan ng House Committee on Electoral Reforms, kung saan panauhin ang opisyal ng commission.
Ipinaliwanag ni Salceda na batay sa kanilang karanasan, ang karaniwang tagal ng pananatili ng mga bakwit sa ‘evacuation centers’ ay umaabot sa 45 araw, 90 araw o 110 araw.
Habang sila’y nasa ‘evacuation centers’, kailangan nila ng ayudang pagkain, pagsasanay, ‘cash-for-work programs,’ at iba pang suportang pangkabuhayan dahil nawala nga sa kanila ang mga ito.
- Latest