MANILA, Philippines — Natagpuan sa isang madamong lugar ang bangkay ng isang hindi nakilalang lalaki na walang saplot at tadtad ng saksak sa bayan ng Bocaue, Bulacan.
Inilarawan ng pulisya ang biktima na nasa 25 hanggang 30-anyos, medium built, fair complexion, nasa 5’5” ang taas.
Ayon sa ulat, natagpuan ang bangkay bandang alas-6:40 ng umaga noong Hulyo 30 sa madamong lugar na sakop ng Meralco Village, Brgy. Batia.
Nabatid na isang tawag ang natanggap ng pulisya mula sa Brgy. Batia na nagsabing may natagpuang bangkay sa naturang lugar.
Nang puntahan ng mga otoridad ay tumambad sa kanila ang walang saplot na bangkay ng lalaki.
Samantala, sa isang comment ng netizen sa Facebook post na nag-viral tungkol dito ay nagsabing tadtad ng saksak at umano’y tinanggalan pa ng bayag ang bangkay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang krimen para mahuli ang hindi nakilalang salarin.
Maraming netizen ang nagpaabot ng pakikiramay at humihingi ng hustisya para sa mga naulila.