MANILA, Philippines — Umakyat na sa 193 metro ang antas ng tubig sa Angat Dam, na siyang nagsusuplay ng 97% ng pangangailangan sa tubig sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), ito ay 13 metrong mas mataas sa minimum operating level ng naturang dam na nasa 180 metro lamang.
Anang state weather bureau, ang pagtaas ng antas ng tubig ay dulot ng patuloy na mga pag-ulan na dala ng mga bagyong Egay at ng Habagat.
Sa 6:00AM bulletin ng Pagasa, nabatid na ang water level ng Angat ay tumaas mula sa 191.70 metro noong Hulyo 29 hanggang 193.84 metro noong Hulyo 30.
Bukod naman sa Angat, tumaas rin ang water level ng iba pang dam sa nakalipas na 24-oras, kabilang ang La Mesa Dam, na mula 79.58 ay naging 79.79 metro; Binga Dam na mula 574.58 ay naging 574.63 metro; San Roque na mula 257.25 ay naging 258.51 metro; Pantabangan Dam na mula 186.33 ay naging 186.97 metro; at Magat Dam na mula 172.75 ay naging 174.29 metro.
Samantala, bumaba pa rin ang water levels sa iba pang dam na kinabibilangan ng Ipo Dam na mula 101.06 ay naging 101.05 metro; Ambuklao Dam na mula 751.71 ay naging 751.41 metro at Caliraya Dam na mula 286.69 ay naging 286.55 metro.
Matatandaang noong Hulyo 4 ay nagdeklara na ang Pagasa ng pormal na pagsisimula ng El Niño.