14 na patay sa bagyong Egay, P2 bilyon napinsala
MANILA, Philippines — Pumalo na sa P2 bilyon ang pinsala ni super bagyong Egay at southwest monsoon o habagat habang tumaas na rin sa 14 katao ang death toll, 13 ang nasugatan at 20 pa ang nawawala sa paghagupit nito partikular na sa hilagang Luzon.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Spokesman at National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) Executive Director Edgar Posadas, ang pinsala sa imprastraktura ay nasa P1.19 bilyon habang sa agrikultura naman ay umaabot sa P832 milyon na.
Samantalang ang mga naapektuhang indibidwal ay tumaas na rin sa 582,288 katao na o 164,430 pamilya mula sa 13 rehiyon, 45 probinsya, 306 municipalidad at 1,752 barangays ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Egay.
Kabilang sa mga naapektuhan na dumanas ng mga pagbaha ay ang Ilocos Region, Cagayan, Central Luzon, CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) at Western Visayas.
Nadagdagan naman ng isa ang bilang ng nasawi na na ngayon ay nasa 14 na, 13 ang nasugatan at 20 pa ang nawawala.
Sa agrikultura, umabot na rin sa P832,645.48 na halaga ang nalulugi sa produksyon na tahasang nakaapekto sa 75,997 magsasaka at 92,651.56 hektarya ng lupaing taniman habang sa livestock, poultry at pangisdaan ay nasa P23,762,020 ang napinsala.
Ayon kay Posadas, umabot na sa P35,851,214.38 halaga ng tulong ang naibigay na ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya kabilang dito ay ang family food packs, hygiene kits, shelter repair kits, modular tents at iba pa.
- Latest