Lahat ng kulungan, ilalagay sa kontrol ng BJMP
MANILA, Philippines — Malapit nang maisabatas ang panukalang Jail Integration Act na may layunin na pag-isahin ang pamamahala ng lahat ng provincial at sub-provincial jail sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon kay Senador Ronaldo “Bato” Dela Rosa, dating hepe ng pambansang pulisya na kapag naisabatas ang panukala, maaalis sa local government units ang pamamahala sa naturang kulungan at makatitipid sila sa pondo.
Nabatid na mula noong 1990 ay nasa ilalim ng bawat provincial government ang pangangisiwa sa mga bilangguan na panlalawigan habang nasa BJMP naman ang kontrol sa mga city at municipal jail.
Layunin din nito na mabawasan ang responsibilidad ng mga provincial government at mabigyan ng pagkakataon na maibaling sa ibang programa ang ginagastos sa mga bilangguan.
Nakasaad pa sa panukala na magkakaroon ng tatlong taon na transition period, kung saan mananatili pa sa mga provincial government ang maintenance ng mga bilangguan at pagpapakain sa mga nakakulong.
Otomatiko namang ipapa-absorb sa BJMP ang mga personnel ng provincial alt sub-provincial jail at magkakaroon pa rin ng security of tenure, subalit kung hindi sila papasa sa standard to educational attainment para makapasok sa BJMP ay bibigyan sila ng limang taon para makatugon sa requirement.
- Latest