ISANG lalaki sa China ang nagkaroon ng “collapsed lung” matapos ang walang habas niyang pagsigaw sa concert ng paborito niyang mang-aawit.
Ayon sa report ng mga local news agency sa Shenzen, China, nakaranas ng pneumothorax ang 19-anyos na kinilala lamang sa pangalang “Chen” habang nasa concert ng isang sikat na Chinese Idol group.
Sa panayam sa mga kaibigan ni Chen na kasama niyang dumalo ng concert, masayang humihiyaw ito sa performance ng paborito niyang idol group nang biglang dumaing ito na sumakit ang kanyang dibdib.
Hindi na nagkaroon ng pagkakataon ang mga kaibigan ni Chen na dalhin siya sa mga nakaantabay na medic dahil matapos makaramdam ng pananakit ng dibdib ay agad itong nahirapang huminga at nawalan na ito ng malay at bumagsak na sa sahig.
Dinala sa ospital si Chen at nakita ng mga doktor na nagkaroon ng rupture sa isa niyang lungs dahil sa matinding pagsigaw.
Ang Pneumothorax ay isang abnormal na pangongolekta ng hangin sa pleural cavity na naghihiwalay sa baga mula sa pader ng dibdib at maaaring makasagabal sa normal na paghinga.
Isinailalim sa operasyon si Chen at successful na natanggal ang excess air sa baga nito. Sa kasalukuyan, stable na ang lagay ni Chen.