Maharlika Investment Fund bill pinirmahan na ni Marcos
MANILA, Philippines — Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kahapon ang Maharlika Investment Fund (MIF), kung saan gagamitin ang state assets para sa investment ventures upang makakalap ng karagdagang public funds.
Pinirmahan ang Republic Act No. 11954 sa kabila ng ilang pagkabahala sa panukala, kung saan pinuna ng ilang mambabatas ang ilang hindi pagkakatugma sa MIF bill maging ang hindi malinaw na mga probisyon.
Inaasahang isasama ni Marcos sa kanyang nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ang tungkol sa nilagdaang batas.
Ang pondo ay isang mahalagang bahagi ng Medium-Term Fiscal Framework ng administrasyong Marcos, 8-Point Socioeconomic Agenda at Philippine Development Plan 2023-2028.
Matatandaan na ang MIF ay sumailalim sa matinding batikos ng ilang mambabatas na nag-aalala na ang mga pampublikong pondo ay maaaring magamit sa hindi tama at malugi.
Sa kabuuang P125 bilyon, P25 bilyon ang magmumula sa Land Bank of the Philippines, P50 bilyon mula sa Development Bank of the Philippines at P50 bilyon mula sa pambansang pamahalaan.
Paulit-ulit na tiniyak naman ni Marcos ang kaligtasan at seguridad ng mga pondo na mula sa pension funds ay siniguradong magiging independyente mula sa gobyerno at pinangangasiwaan ng mga propesyonal.
- Latest