Ginang pisak sa Antipolo landslide
14 bahay nilamon ng lupa
MANILA, Philippines — Isang 41-anyos na ginang ang nasawi nang madaganan ng malaking bato na inagos ng landslide sa Antipolo City, Rizal dahil sa malakas na pag-ulan dala ng tropical cyclone “Dodong” at southwest monsoon, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Dina Saban, residente ng Vista Grande, Brgy. Sta Cruz ng lungsod.
Sa ulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), isang bahagi ng bundok sa nasabing lungsod ang bumigay sanhi ng malakas na pag-ulan kung saan ay tinamaan ng malaking tipak ng bato ang bahay ng biktima na nag-iisa nang mangyari ang insidente, alas-8:00 ng gabi at naiulat, alas-12:30 ng madaling araw kahapon.
Ang biktima ay kasalukuyang natutulog nang biglang dumagundong ng malakas at kasunod nito ay gumuho ang lupa na may kasamang malalakas na tipak ng bato na dumagan sa tahanan ng biktima.
Ang bangkay ng biktima ay narekober ng rescue team ng Antipolo City CDRRMO sa lugar na pinangyarihan ng landslide ilang oras matapos ang insidente.
Apektado ng insidente ang 20 pamilya na binubuo ng 53 indibidwal, at ibinaon ang 14 na bahay sa ilalim ng mga bato at lupa kabilang ang kay Saban.
- Latest